Mga Pahina

Huwebes, Oktubre 24, 2013

Aralin #1- Aralin#2 at mga repleksyon



Oktubre 14, 2013

Ngayon ang unang araw ng ikatlong markahan. Tinalakay namin ang tulang "Luha" mula sa panulat ni Rufino Alejandro.
Aralin#1


Luha
Ni : Rufino Alejandro


Wala unang pagsisisi, ito'y laging nasa huli.
Daloy aking luha…Daloy aking luha, sa gabing malalim.
Sa iyong pag-agos, ianod mo lamang ang aking damdamin, hugasan ang puso—yaring abang pusong luray sa hilahil, nang gumaan-gumaan ang pinapasan ko na libong tiisin!
Nang ako'y musmos pa at bagong namukad yaring kaisipan, may biling gayari si Ama't si Ina bago sumahukay. "Bunso, kaiingat sa iyong paglakad sa landas ng buhay ang ikaw'y mabuyo sa gawang masama'y dapat mong iwasan."
Nang ako'y lumaki, ang pahat kong isip ay biglang nagpakpak, ng kapalalua't ang aral ni Ama't ni Ina'y hinamak; sa maalong dagat ng buhay sa mundo'y nag-isang lumayag, iniwan sa pampang ang timbulang baon na aking tinanggap!
Malayang tumungga sa sarong may lason ng kaligayahan na itong huli na'y nakilalang alak na nakamamatay. Ang pinagbataya'y dapat magpasasa sa kasalukuya't isang "Bahala na!" ang tanging iniukol sa Kinabukasan!
Kaya naman ngayon, sa katandaan ko ay walang nalabi kundi ang lasapin ang dita ng isang huling pagsisisi; tumangis sa labi ng sariling hukay ng pagkadugahi't iluha ang aking palad na nasapit na napakaapi!
Daloy, aking luha…Dumaloy ka sa ngayon at iyong hugasan ang pusong nabagbag sa pakikibaka sa dagat ng buhay; ianod ang dusang dulot ng tinamong mga kabiguan. Nang yaring hirap ko't susun-susong sakit ay gumaan-gaan!
\
Oktubre 14, 2013
Ngayon ay Tinalakay namin ang tulang Luha.


Oktubre 16, 2013
Nakgakroon kami ng Gawain ngayon tungkol sa Luha. Binigyan namin ito ng mas malawak pang kahulugan.


Teorya ng tulang Luha ni: Rufino Alejandro-
Humanismo

Ang pokus ng teoryang humanismo ay ang tao. Naniniwala ang mga humanista na ang tao ang sukatan ng lahat ng bagay kung kaya't mahalagang maipagkaloob sa kanya ang kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin at kalayaan sa pagpapasya. Gaya ng ipinahahayag ni Protagoras, "Ang tao ang sentro ng daigdig, ang sukatan ng lahat ng bagay at ang panginoon ng kanyang kapalaran."

Ninanais ng tao na sa kanyang pakikiraan sa daigdig na ito ay may bakas siyang maiiwan upang ang kanyang buhay ay magkaroon ng kabuluhan at malinaw na pagkilala sa isang di maikukubling kasaysayan.

Oktubre 18, 2013

Ngayon ay tinukoy namin kung ang mga pahayag ay tumutukoy sa Bisang pandamdamin o Bisang pangkaisipan mula sa tulang Luha. Binigyan din kami ng takdang aralin na sumulat ng isang mensahe para sa mga magulang na nagsasaad ng mga pagamin sa mga kamaliang nagawa sa mga magulang.
 

Aralin #2

Oktubre 21, 2013

Ngayon ay nasa ikalawang aralin na kami at tinalakay namin ang buod ng Banaag at sikat ni Lope K. Santos. Binigyang oakahulugan namin ang kahulugan ng pamagat ng akdang ito at tinukoy namin kung ano ang mga pahayag na ipinaskil ni Gng. Mixto. Ito ay kadalasang pahayag sa mga pakikibaka. Na siyang may kinalaman sa akdang Banaag at sikat.








Buod ng Banaag at Sikat
ni Lope K. Santos


Ang buod ng kasaysayan ng Banaag at Sikat ay lumiligid sa mga adhikain at paninindigan ng dalawang magkaibigang sina Felipe at Delfin. Si Felipe ay anak ng isang mayamang presidente ng isang bayan sa Silangan. Dahil sa kanyang pagkamuhi sa mga paraan ng pagpapayaman ng kanyang ama at sa kalupitan nito sa mga maralitang kasama sa bukid at sa mga utusan sa bahay ay tinalikdan niya ang kanilang kayamanan, pumasok na manggagawa sa isang palimbagan, at nanligaw sa isang maralita ngunit marangal na dalaga, si Tentay. Samantala, siya’y nakatira sa isang bahay ng amang-kumpil na si Don Ramon sa Maynila. Ang mga paraan ni Don Ramon sa pagpapayaman, ang kanyang mababang pagtingin sa mahihirap at ang pag-api niya sa mga pinamumunuan ay nakapagpalubha sa pagkamuhi ni Felipe sa lahat ng mayayaman at nagpapatibay sa kanyang pagiging anarkista.

Pinangarap niya ang araw na mawawala ang mga hari, punumbayan at alagad ng batas, ang lahat ng tao’y magkakapantay-pantay at magtatamasa ng lubos na kalayuan at patas na ginhawa sa buhay.

Nang pilitin ng ama na umuwi sa kanilang bayan, siya’y sumunod. Subalit itinuro niya sa mga kasama sa bukid at sa mga katulong sa bahay ang kanilang karapatan. Sa galit ng ama, siya’y pinalayas at itinakwil bilang anak. Nagbalik siya sa dating pinapasukan sa Maynila at hinikayat si Tentay na pumisan sa kanya kahit di kasal, sapagkat tutol siya sa mga seremonyas at lubos na naniniwala sa malayang pag-ibig.

Si Delfin ay hindi anarkista kundi sosyalista. Hindi niya hinangad na mawala ang pamahalaan ngunit katulad ni Felipe ay tutol siya sa pagkakaipon ng kayamanan sa ilang taong nagpapasasa sa ginhawa samantalang libu-libo ang nagugutom, nagtitiis at namamatay sa karalitaan. Tutol din siya sa pagmamana ng mga anak sa kayamanan ng mga magulang. Siya’y isang mahirap na ulilang pinalaki sa isang ale (tiya). Habang nag-aaral ng abogasya ay naglilingkod siya bilang manunulat sa isang pahayagan. Kaibigan siya at kapanalig ni Felipe, bagamat hindi kasing radikal nito.

Nais ni Felipe ang maagang pagtatamo ng kanilang layunin, sukdang ito’y daanin sa marahas na paraan, samantalang ang hangad ni Delfin ay dahan-dahang pag-akay sa mga tao upang mapawi ang kamangmangan ng masa at kasakiman ng iilang mayayaman, sa pamamagitan ng gradwal na pagpapasok sa Pilipinas ng mga simulain ng sosyalismo.

Si Don Ramon ay may dalawang anak na dalaga at isang anak na lalaking may asawa na. Ang mga dalaga’y sina Talia at Meni. Si Talia ay naibigan ng isang abogado, si Madlanglayon. Ang kasal nila’y napakarangal at napakagastos, isang bagay na para kina Felipe at Delfin ay halimbawa ng kabukulan ng sistema ng lipunan na pinangyayarihan ng mayayamang walang kapararakan kung lumustay ng salapi samantalang libu-libong mamamayan ang salat na salat sa pagkain at sa iba pang pangunahing pangangailangan sa buhay.

Sa tulong ni Felipe noong ito’y nakatira sa bahay ni Don Ramon, nakilala at naibigan ni Delfin si Meni. Si Don Ramon ay tutol sa pangingibig ni Delfin sa kanyang anak; dahil ito’y maralita, at ikalawa, dahil tahasang ipinahayag nito ang kanyang pagkasosyalista sa isang pag-uusap nilang dalawa sa isang paliguan sa Antipolo. Ang pagtutol na ito ay walang nagawa. Nakapangyari ang pag-ibig hanggang sa magbinhi ang kanilang pagmamahalan.

Nang mahalata na ni Talia at ni Madlanglayon ang kalagayan ni Meni, hindi nila ito naipaglihim kay Don Ramon. Nagalit si Don Ramon; sinaktan nito si Meni at halos patayin. Sa amuki ni Madlanglayon, pumayag si Don Ramon na ipakasal si Meni kay Delfin, Subalit nagpagawa ng isang testamento na nag-iiwan ng lahat ng kayamanan sa dalawa niyang anak; si Meni ay hindi pinagmanahan.

Si Meni ay nagtiis sa buhay-maralita sa bahay na pawid na tahanan ni Delfin. Paminsan-minsan, kung mahigpit ang pangangailangan, nagbibili siya ng mga damit o nagsasangla ng kanyang mga alahas noong dalaga pa. Ito’y labis na dinaramdam at ikinahiya ni Delfin at ng kanyang ate, subalit wala naman silang maitakip sa pangangailangan.

Sa simula, si Meni ay dinadalaw ng dalawang kapatid, lalo na si Talia, at pinadadalhan ng pera at damit. Subalit ang pagdalaw ay dumalang nang dumalang hanggang tuluyang mahinto, ay gayon din ang ipinadadalang tulong. Samantala, si Don Ramon, sa laki ng kanyang kahihiyan sa lipunan dahil sa kalapastangang ginawa ni Meni at ni Delfin, ay tumulak patungong Hapon, Estados Unidos at Europa, kasama ang isang paboritong utusan. Wala na siyang balak bumalik sa Pilipinas. Nakalimutan niya ang pagwasak na nagawa niya sa karangalan ng maraming babae na kanyang kinasama; ang tanging nagtanim sa kanyang isip ay ang pagkalugso ng sariling karangalan sa mata ng lipunan dahil sa kagagawan ni Meni.

Samantala, nagluwal ng isang sanggol na lalaki si Meni. Sa pagnanais na makapaghanda ng isang salu-salo sa binyag ng kanyang anak, susog sa mga kaugalian, si Meni ay nagsangla ng kanyang hikaw, sa kabila ng pagtutol ni Delfin na tutol sa lahat ng karangyaan. Ang ninong sa binyag ay si Felipe na hindi lamang makatanggi sa kaibigan, subalit kontra rin sa seremonyas ng pagbibinyag. Bilang anarkista ay laban siya sa lahat ng pormalismo ng lipunan. Sa karamihan ng mga pangunahing dumalo, kumbidado’t hindi, ay kamuntik nang kulangin ang handa nila Delfin, salamat na lamang at ang kusinero ay marunong ng mga taktikang nakasasagip sa gayong pangyayari.

Ang kasiyahan ng binyagan ay biglang naputol sa pagdating ng isang kablegrama na nagbabalitang si Don Ramon ay napatay ng kanyang kasamang utusan sa isang hotel sa New York. Nang idating sa daungan ang bangkay, sumalubong ang lahat ng manggagawa sa pagawaan ng tabako sa atas ni Don Felimon, kasosyo ni Don Ramon, na nagbabalang hindi pasasahurin sa susunod na Sabado ang lahat ng hindi sasalubong.

Kasama sa naghatid ng bangkay sa Pilipinas si Ruperto, ang kapatid ni Tentay na malaon nang nawawala. Pagkatapos makapaglibot sa Pilipinas, kasama ng isang Kastilang kinansalaan niya sa maliit na halaga, siya’y ipinagbili o ipinahingi sa isang kaibigang naglilingkod sa isang tripulante. Dahil dito, nakapagpalibot siya sa iba’t ibang bansa sa Aprika at Europa, at pagkatapos ay nanirahan sa Cuba at California, at sa wakas ay namalagi sa New York. Doon siya nakilala at naging kaibigan ng utusang kasama ni Don Ramon na naninirahan sa isang hotel na malapit sa bar na kanyang pinaglilingkuran. Si Ruperto ang nagsabi kay Felipe na kaya pinatay si Don Ramon ay dahil sa kalupitan nito sa kanyang kasamang utusan.

Ang libing ni Don Ramon ay naging marangya, kagaya ng kasal ni Talia. Hanggang sa libingan ay dala-dala pa ng mayamang pamilya ni Don Ramon ang ugali ng karangyaan ng pananalat at paghihirap ng maraming mamamayan. Sa libingan ay Naiwan sina Delfin at Felipe na inabot ng talipsilim sa pagpapalitan ng kuro-kuro at paniniwala.

Naalaala ni Felipe ang kaawa-awang kalagayan ng mga kasama’t utusan ng kanyang ama. Nasambit ni Delfin ang kawalang pag-asa para sa maralitang mga mamamayan habang namamalagi sa batas ang karapatan ng mga magulang na magpamana ng yaman at kapangyarihan sa mga anak. Nagunita nila ang laganap na kamangmangan at mga pamahiin, ang bulag na pananampalataya. Kakailanganin ang mahaba at walang hanggang paghihimagsik laban sa mga kasamang umiiral. Marami pang bayani ang hinihingi ang panahon. Kailangang lumaganap ang mga kaisipang sosyalista, hindi lamang sa iisang bansa kundi sa buong daigdig bago matamo ang tunay at lubos na tagumpay. Napag-usapan nina Felipe at Delfin ang kasaysayan ng anarkismo at sosyalismo – ang paglaganap nito sa Europa, sa Aprika, at sa Estados Unidos. Sinabi ni Felipe na ang ilang buhay na napuputi sa pagpapalago ng mga ideyang makamaralita ay kakaunti kung ipaparis sa napakamaraming tao na araw araw ay pinahihirapan. Subalit matigas ang paninindigan ni Delfin laban sa ano mang paraang magiging daan ng pagdanak ng dugo.

Sa kabila ng pagkakaibang ito ng kanilang paninindigan ay nagkaisa sila sa pagsasabi, sa kanilang pag-alis sa libingan, noong gumagabi na, “Tayo na: iwan nati’t palipasin ang diin ng gabi."

Oktubre 22, 2013

Ngayon ay nagkaroon kami ng Pangkatang gawain kung saan naatasan ang bawat pangkat na gawin ito. Pagkatapos niyon ay nagkaroon ng pag-uulat. Dahil sa kakulangan sa oras, Itutuloy na lamang ito Bukas.

Oktubre 23, 2013
Nagkaroon ngayong ng pag-uulat ang Pangkat isa. Sila ang siyang magpapaliwanag ng akdang ito. Binigay nila ang mga katangian ng mga tauhan at kung anong klaseng pamumuhay mayroon sila. Tinukoy din namin ang teorya sa akdang ito.

Teorya ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos :

Eksistensyalismo

Ang teoryang eksistensyalismo ay hinahanapan ng katibayan ang kahalagahan ng personalidad ng tao at binibigyan halaga ang kapangyarihan ng kapasyahan laban sa katwiran.

Oktubre 24, 2013

Ngayon ay nagkaroon kami ng gawain tungkol sa paghahambing kina Delfin, Felipe, Elias at Crisostomo Ibarra. Hindi namin ito natapos kung kaya ito ay takdang aralin na lamang. :)